Pages

ppp


ppp - poetry poverty p-not

trabaho.
pag-unlad.

kahapon sa plasa ako'y nagtinda
yosi. bulaklak. laruan. pamaypay.
nasa piitan si itay sumali kasi sa piket.
may sakit si inay, tb daw sabi sa senter.

nakita ko sa liwasan larawan mong maganda
dilaw. mala-ginto at kumikinang.
naalala ko isang taon na ang lumipas.
naroon ka. kung saan ako nagtitinda.
madaming tao.
magulo.
masaya.

sa gitna ng ingay naroon ka.
pulu-pulutong na artista ang iyong kasama.
kaya magulo. kaya masaya.
nagsalita ka. nangako.
sabi mo dadami ang trabaho.
sabi mo uunlad ang buhay.
madami kang pangako.
ang sarap pakinggan.

binigyan mo ako ng pag-asa..

dumami nga ang trabaho.
mamayang gabi ang ate neneng ko naman uupo sa liwasan at magaabang ng sasakyan.
naka-kolorete. maiksing damit. umaga na siya babalik. trabaho.

uunlad ang buhay.
tama. lilipat na kami ng bahay.
mawawala ng ang barung-barong namin. demolisyon sabi ng mmda.
lilipat na kami sa sementandong tirahan. sa ilalim ng tulay. sa kalsada.

patuloy akong aasa sa mga pangakong tutuparin mo pa.

salamat sa pagtupad mo sa pangako mo. may trabaho. may pag-unlad.
bukas isang bagong araw nanaman. magtitinda sa liwasan. at muli kong masisilayan ang larawan mo.
kumikinang hindi dahil sa sagisag mong dilaw.
kumikinang dahil sa buhok mong pumapanaw.


0 comments:

Post a Comment